Isinagawa sa Bayan ng Pilar ang turnover ng mga housing unit sa Pilar 4PH Housing Project bilang bahagi ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (Expanded 4PH) Program. Dumalo sa programa sina DHSUD Secretary Jose Ramon P. Aliling, DHSUD Senior Undersecretary Eduardo P. Robles Jr., Pag-IBIG Fund CEO Marilene C. Acosta, Deputy CEOs Alexander Hilario G. Aguilar at Benjamin R. Felix Jr., Bataan Governor Jose Enrique Garcia III, Pilar Vice Mayor Cecilia Garcia, Samal Mayor Alexander Acuzar, at Diamond Land Residences Inc. President at CEO Engr. Pedro R. De Leon Jr.
Ang proyekto ay maglalaan ng 600 two-bedroom housing units para sa mga kwalipikadong benepisyaryo, na may buwanang amortisasyong maaaring magsimula sa ₱2,797.14 sa pamamagitan ng Pag-IBIG Housing Loan at Graduated Amortization Payment (GAP) option.
Patunay ang proyektong ito ng matibay na pagtutulungan ng pambansang pamahalaan, lokal na pamahalaan, at pribadong sektor sa pagbibigay ng abot-kaya at dekalidad na pabahay para sa mga Pilipino.